Ang Pagdudugtung-dugtong ng Konsepto ng Loob
Gamit ang mga panglapit nina Lacaba, Mercado, Salazar, Ileto, De Mesa at Ferriols
Introduksyon
Ano nga ba ang loob? Maraming bagay ang masasabing loob. Ito ay maaaring loob ng bahay, loob ng puso, loob ng tao, loob ng laman, loob ng utak, loob ng isip, at marami pang mga bagay ang maaaring ihalintulad o iangkop sa konsepto ng loob.
Tulad ng isang bahay, marami ang nakapaloob dito. Nasa loob nito ang comfort room, kusina, sala, silid-kainan at silid-tulugan. Sa loob naman ng comfort room, nandito naman ang kubeta, paliguan, lababo, salamin, mga sabon, mga shampoo, at mga tuwalya. Sa loob naman ng kusina ay matatagpuan ang mga kasangkapan na ginagamit sa pagluluto tulad ng kawali, mga sandok, kutsara, tinidor, mga plato, mga platito, mga baso, mga tasa, lababo, ang lutuan at ang refrigerator. Sa loob naman ng sala, dito matatagpuan ang sofa, telebisyon, mga magazine, ang altar, ang ibang mga libro at picture album. Sa loob naman ng silid-kainan, makikita rito ang mga upuan, ang hapag-kainan, at ang mga prutas. Sa loob naman ng silid-tulugan, makikita rito ang kama, kompyuter, mga upuan, ang kabinet, mga libro, ang mga damit, at ang mga personal na mga gamit.
Tulad ng isang paaralan, marami rin ang nakapaloob dito. Nasa loob nito ang mga silid-aralan, ang kantin, ang kwarto ng mga guro, ang silid-aklatan, basketball court, at ang palaruan. Ang silid-aralan naman ay naglalaman ng mga upuan, pisara, mga chalk, mga mesa, at mga libro. Sa kantin naman nakapaloob ang mga pagkain, mga upuan, mga mesa, ang pera, mga plato, mga platito, mga kutsara, mga tinidor, mga sandok, kawali, lutuan, at inuman ng tubig. Sa kwarto naman ng mga guro, nakapaloob dito ang iba’t ibang mga gamit ng mga guro sa pagtuturo, mga kompyuter, mga mesa, mga chalk, at mga libro. Sa silid-aklatan naman matatagpuan ang pagkarami-raming librong pagmamay-ari ng paaralan, mga upuan, mga libro, at mga kompyuter. At sa palaruan naman nakapaloob ang lahat ng mga bagay na maaaring magamit ng mga bata upang makapaglaro.
Tulad ng isang sanaysay, ito ay naglalaman din ng mga salita, mga konsepto at ang papel. Ang sanaysay ay nakapalaman sa papel, at ito ay naglalaman din ng iba’t ibang bagay na may kinalaman sa tema ng sanaysay. Nakapaloob dito ang mga salita dahil kung wala ang mga salita, wala rin ang sanaysay, at ang konsepto upang magkaroon ng saysay ang pagkakadugtung-dugtong nga mga salita sa loob ng isang sanaysay.
Mga Katanungan
Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay may nilalaman pa na iba’t ibang bagay, at alam din natin na ang bawat bagay na nakapalaman sa isang bagay ay mayroong pagbabagay sa isa’t isa o kung sa madaling salita, may layunin o purpose. Ang mga tanong ngayon ay:
(1) Ano ang layunin ng bawat bagay na nakapalaman sa isang bagay?
(2) Ano ang layunin ng pagkabuo ng isang bagay na may nakapaloob na iba’t ibang mga bagay? at
(3) Paano malalaman ang layunin ng bawat isa at ng kabuuhan?
Ang mga Pilosopo at kanilang Sariling Aspeto ng Loob
Upang masagot ang mga tanong, gagamiting nating ngayon ang iba’t ibang panglapit na ginamit ng iba’t ibang pilosopong Pilipino sa paghahanap ng mga loob. Si Emmanuel Lacaba ay gumamit ng historikal na pananalinghaga, si Leonardo N. Mercado, SVD ay gumamit ng metalingguistikang analisis, si Zeus Salazar ay gumamit ng sikolinggustikang analisis, si Reynaldo C. Ileto ay gumamit ng historikal na hermeneutika, si Dr. Jose M. de Mesa ay gumamit ng Teleolohikal na Hermeneutika, at si Ferriols ay gumamit ng metapisikal na pagmumuni-muni.
Ayon kay Emmanuel Lacaba, ang loob ay isang yungib kung saan ang loob ay nakatago. Nakatago dahil sa kagagawan ng mga sumakop sa ating bansa: ang mga Kastila, mga Amerikano at mga Hapon. Sinabi niya na ang tunay na pagkaPilipino ay itinago sa labirinto o sa pagkalalimlaliman kaya hindi na ito makuha ngayon, na tinakpan ng mga mananakop kung ano talaga ang Pilipino. At ang isa pa ay ang kanyang ginamit na diyalektikong proseso kung saan ang Aufhebung ay magagamit upang ang hindi totoong sarili ay humantong sa totoong sarili.
Ayon naman kay Fr. Leonardo N. Mercado, SVD, ang loob ay isang holistikong sarili ng Pilipino. Ang kahulugan lang nito ay ang pagkaka-ugnay ng isip, salita at mga kilos ng isang tao ay ang bumubuo ng holistikong pananaw. Kaya niya rin nabanggit sa kanyang gawa ang relasyon ng loob at katawan kung saan ang ispiritwal na aspeto ay may relasyon din sa pisikal na aspeto ng tao. Dahil sa pagkakaroon ng mga relasyon na ito, hinati ni Mercado sa limang dimensyon ang loob: (1) sa Intelektwal, (2) sa emosyunal, (3) sa bolisyunal, (4) sa etikal, at (5) sa sari-sari. At sa kahuli-hulihan, binanggit ni Mercado na ang mga ito ay tumutukoy sa malawak na katotohanan ng tao sa umiiral niyang pakikipag-ugnayan sa sarili at sa iba.
Ayon naman kay Zeus Salazar, ang loob ay isang lagay ng damdamin at katangiang ubod. Una, nagkaroon siya ng dualismo sa konsepto ng loob at labas kung saan ang dalawang ito ay pinaghiwalay niya ng landas. Kanyang inuri ang Labas bilang kaugnay sa sosyal na dimensyon ng tao, na may kinalaman sa pagkilos, na ito ay aktibo at sinsadya, at ito ay purong obheto. Sa kabilang dako, ang Loob naman ay inuri niya bilang isang lagay ng damdamin, may kinalaman sa katangiang buod, na ito ay pasibo at hindi sinasadya, at ito ay purong suheto.
Ayon naman kay Renaldo C. Ileto, ang loob ay isang tunay na sarili ng tao. Binanggit ni Ileto na ang loob ay ang siyang panloob na sarili ng tao kung saan ang tunay na halaga ng tao ay matatagpuan, kaya masasabi natin na ang loob ay may mga katangiang (1) may malalim na batayan, (2) pantay-pantay, (3) dumadaan sa ritwal ng pagpapakadalisay, at (4) nag-uurong-sulong. Una, sinasabing mayroong malalim na batayan ang loob na tao dahil ito ay imposibleng mahanap sa panlabas na kaanyuan ng tao. Hindi maaaring sabihin basta-basta na ang isang tao ay may maganda kalooban kung ibabase natin ang kagandahan ng loob sa panlabas na anyo. Halimbawa, mayroong mayaman na lalaki, may magarang sasakyan at mahal na kagamitan, ngunit hindi siya nagpapakita ng kagandahang-asal. Ito ay isang halimbawa kung saan ang mga tao ay hindi maaaring husgahan sa panlabas na anyo. Sa Ingles, mayroong kataga na nagsasabing “Don’t judge a book by its cover” at dapat natin itong isipin lagi. Hindi sapat na rason na alipustahin ang isang tao dahil lang sa kahinaan ng kanyang panlabas na anyo. Kailangang pagtuunan natin ng pansin ang kanyang kalooban o kanyang ugali bago tayo manghusga sa iba. Ikalawa, kailangan nating pagtuunan din ng pansin ang pagkakapantay-pantay ng mga tao. Kung loob ang pag-uusapan, walang pango, walang maitim, walang maputi, walang mataba, walang bakla at walang tanga dahil hindi binabase ang loob sa panlabas na anyo kundi sa mismong kalooban ng tao. Ikatlo, ang loob ay dapat sumailalim sa proseso ng ritwal ng pagpapakadalisay. Ang layunin nito ay upang maiahon ang loob sa kadiliman patungo sa pagbabago ng loob. Ang naunang tatlo ay lahat positibo, ngunit ang susunod ay lumabas bilang negatibong anyo ng loob ng isang tao. Ang ikaapat ay ang pag-uurong-sulong ng loob. Madalas itong makikita sa panahon ng pagsubok kung saan ang karamihan ay nabibigong lutasin ang mga balakid dahil sa kahinaan ang loob. Kaya, upang lumakas ang loob, kailangang gawin itong Kristiyano upang maging handa at maging malakas ito sa panahon ng kagipitan upang ang lahat ng balakid ay pasabugin ng dalisay na loob.
Ayon naman kay Dr. Jose M. de Mesa, ang loob ay ang pinakaubod ng pagkatao at ang daigdig ng pagkanilikha. Sinasabi na tayo ay may isang substatum o loob na ginawang salalayan ng damdamin, isip at pagkilos, at ito ay nakapaloob sa isang relasyon sa kapwa na kung saan mayroong pagkakapantay-pantay, at sa Maykapal kung kanino nanggaling ang tao. Kalinya rin ng mga ito ang pagkakaroon ng utang na loob at kagandahang loob. Sinasabing mayroong utang na loob, ngunit nagkakaroon ito ng negatibong pagtingin dahil sa pag-aabuso ng tao, subalit sa halip na mang-abuso, kailangang isipin na lang natin na sila ay ating kapwa-tao at pakitaan natin sila ng kagandahang-loob.
Ayon naman kay P. Ferriols, SJ, ang loob ay ang tao sa kanyang kalaliman. Ang diskusyong ito ay patungo sa larangan ng totoo, tunay at tapat na pagpapakatao, sa pagtanggap sa sarili, at sa pagiging bukas sa mga bagay-bagay na maaaring mangyari.
Tungo sa Pagpapakatao
Gamit ang iba’t ibang panglapit na ibinahagi ng iba’t ibang mga pilosopong Pilipino, ating alamin kung saan patungo ang kanilang mga ideya tungkol sa loob. Isa lang ang kasagutan dito: ang pagpapakatao. Magandang bagay ang pagiging tao, ang pagiging tunay na tao. Ang mga layuni ng mga nakapaloob sa pagpapakatao ay ang pagiging yungib, pagiging holistiko, pagiging damdamin, pagiging tunay na sarili, pagiging ubod ng pagkatao at ang kalaliman ng tao. Gamit ang mga ito, matutulungan tayo sa pag-alam kung sino ba talaga tayo, kung ano ang pwede nating magawa para sa sarili natin, para sa iba, para sa ating bansa at para sa buong mundo.
Ating alamin, paano nga ba talaga ang maging tao? Kung gagamitin ang pagkayungib at pagkalalim ng tao, maaaring magkaroon tayo ng isang ideya upang alamin kung paano mapapaahon ang isang bagay o ang ang ating tunay na loob mula sa kailaliman ng labirinto. Kung gagamitin natin ang pagkaholistiko ng ating sarili at ang pagkaubod ng ating pagkatao, maaari rin nating mapag-aralan ang ating sarili dahil ang ating pag-iisip, pananalita at paggalaw ay mga bagay na nagpapakita sa atin ng ating pagiging isang tao. Kung gagamitin naman natin ang ating damdamin at tunay na sarili, maaari nating malaman ang tunay na kalooban ng ating sarili at ng iba sa malalim at masusing pagninilay.
Pakatapos malaman ang lahat ng mahahalagang bagay, maaari ng masagutan ang unang katanungan. Ano nga ba talaga ang layunin ng bawat bagay na nakapaloob sa isang bagay? Ito ang pagbubuo ng isang kabuuhan. Kung wala ang mga nakapaloob sa isang bagay, wala rin ang bagay. Halimbawa, ipasok natin ang sitwasyon sa ating sarili. Magkukulang ako kung wala akong mga magulang dahil hindi ako magiging tao kung wala ang aking mga magulang. Magkukulang ako kung wala akong katawan dahil hindi ako ito kung ibang katawan ang naririto kung saan man ako naroroon. Magkukulang ako kung wala akong kamay, wala akong mga mata, kung wala akong utak dahil hindi ako maaaring tawaging tao kung hindi ko tinataglay ang mga katangiang nakapaloob sa isang tao.
Kung sa moralidad, ang mga nasabing panglapit at mga loob na ayon sa mga pilosopong Pilipino ang magsisilbing sangkap upang maging ganap na tunay na tao ang isang tao. Dahil sa kanyang pagkakaroon ng pagpapakatao, magigi siyang isang huwaran at mabuting mamamayan.
Tungo sa Kabuuhan ng Bansa
Alam natin na ang isang bansa ay naglalaman ng gobyerno, tao, teritoryo at kapangyarihan, at hindi magiging buo ang isang bansa kung wala ang mga nasabing sangkap. Isipin natin na kung ang mga magiging sangkap nito ay magiging isang ganap na tunay na tao na naglalaman ng tunay na pagpapakatao, ang bansang kanilang kinatitirikan ay magiging mabuti, masaya at maunlad na bansa. Ang pagiging buo o ang kabuuhan ng isang bansa ang siyang tanging layunin ng isang buong bagay. Kung mawawala ang kabuuhan ng mga bagay na bumubuo sa pagkabuo ng isang buong bagay, masasayang lang ang kagandahan, ang kaunlaran, at ang kabutihang hinaharap ng isang bansang tunay na buo.
Kaya, upang magkaroon ng isang masaganang bansa, isang maganda, payapa, mabuti at maunlad na bansa, nararapat lang na tayo ay magkaisa. Upang magkaisa, kinakailangan din ng kooperasyon ng bawat isang bumubuo sa kabuuhan ng isang bansang nagmimithi ng kaunlaran. Ngunit paano magkakaroon ng kooperasyon? Magkakaroon ng kooperasyon kapag ang bawat isa mayroong nais ayusin sa kanyang sarili, sa kanyang loob. Nararapat lang na ang bawat miyembro ng isang bansa ay magsimula muna sa kanilang sarili upang maging ganap ang pagkabuo. Paano magiging ganap na sarili? Kailangan natin ng masusing pagninilay upang maabot natin ang ating pangarap na maging isang mabuting mamamayan. Ayon nga kay Socrates, “An unexamined life is not worth living”. Kaya tayo mismo, magkusang-loob tayong alamin ang bawat bagay na bumubuo sa atin upang tayo mismo ay makabuo ng isang buong bansa na maganda, mabuti, payapa at maunlad. Isipin natin na ang pagninilay na ito ay hindi lang hanggang sa pagninilay o pag-iisip lamang. Ang bawat napagnilayan at ang bawat napag-isipan ay nararapat lang ilagay sa tamang aksyon.
Paglalagom
Kaya, ang bawat panglapit na inihanda ng bawat pilosopong Pilipino ay nagkakadugtung-dugtong sa layuning makapaglikha ng hindi lang isa kungdi maraming tao na mayroon at magkakaroon pa ng tunay na kahulugan ng pagpapakatao tungo sa isang buong kabuuhan ng bansa.