Monday, September 3, 2012

Ang Kahalagahan ng Edukasyon at Birtud sa Buhay ng Tao Patungo sa Katotohanan ng Pera


Isang papel sa Pilosopiyang Filipino


Sa araw-araw na ginawa ng Poong Maykapal, lahat tayo ay gumagamit ng pera. Pera na pambayad na pamasahe sa mga dyip, pera na pambayad na pamasahe sa mga traysikel, pera na pambayad sa mga pinagkainan, pera na pambayad sa taxi, pera na pambayad sa paggamit ng kompyuter o pag-internet, pera na pambigay sa mga nangungutang, pera na ginagamit sa panunuhol upang huwag hulihin, at pera na ginagamit pantubos sa mga ari-ariang nakasanla. Palagi na lang pera. Pera dito, pera roon. Wala na tayong ibang inisip kungdi ang pera. Wala na tayong ibang prinoblema kungdi ang pera. Bakit halos nakagapos na tayo o nakakulong na tayo sa mundo ng pera? Hindi na ba natin kayang mabuhay na wala ang pera? Hindi ba natin kayang mabuhay nang hindi nakikita, naaamoy o nahahawakan ang pera? Siguro’y pera na lamang ang sadyang bumubuhay sa atin. Siguro’y hindi na natin maaalis ang pera sa ating lipunan dahil simula pa noon, umiiral na ang pera. Hindi man maiwasan o maalis ang pera, maaari naman nating malaman kung ano ang epekto nito at maaari nating masolusyonan ito.
Aking ginawa ang papel na ito upang ipamulat sa lahat kung ano talaga ang tunay na gamit ng pera sa buhay ng tao. Hindi ko man maisasama ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa pera dahil ang papel na ito ay may hangganan din. Ito ay nakapokus lamang sa positibo at negatibong gamit, at epekto ng pera sa buhay ng tao. Isa sa mga nagpalakas ng aking isinulat na papel ay ang paggamit sa libro ni Florentino Timbreza na “Sariling Wika at Pilosopiyang Filipino”. Hindi kasama sa papel na ito ang kabuuhan ng nasabing libro, datapwat pinili lamang mula sa nasabing libro ang mga pag-uugali ng mga Pilipino.
Ano nga ba ng pera? Ang pera, ayon sa Wikipedia, ay isang bagay na tanggap ng mga tao sa isang lipunan bilang pambayad sa mga pangangailangan ng bawat isa. Ayon naman sa Grolier Encyclopedia of Knowledge Volume 13, ang pera ay may iba’t ibang gamit. Ang mga ito ay (1) isang paraan o tagapagitna upang makapagpalitan ang taong bumibili at ang taong nagtitinda, at (2) standard of value. Sa unang gamit, mapapansin na natin na may ugnayan ang pera sa mga tao at bagay. Hindi magkakaroon ang tao ng isang bagay kung wala siyang pera. Sa madaling sabi, kinakailangan niya muna ng pera upang magkaroon siya ng mga bagay-bagay sa mundo. Sa ikalawang gamit naman, mapupuna nating mayroong halaga ang pera. Ang halagang ito ay makikita natin sa kung gaano kamahal o kamura ang isang bagay na ipinagbibili. Kung mataas ang halaga nito, malaking pera ang kinakailangang pambili nito. Kung mababa naman ang halaga, maaaring mabili ito sa maliit na halaga ng pera lamang.
Ang Halaga ng Pera
Lahat ng tao ay nais mabuhay nang matagal kaya sila ay nagsusumikap araw-araw dahil ang kanilang pagod at pawis ay may katumbas ding halaga ng pera. Dito na natin makikita ang sahod. Ang sahod ng isang trabahador ay ang nagsisilbing daan upang siya ay makabili ng mga bagay na kakailanganin niya upang mabuhay. Kasama na rin dito ang mga pagkain, damit, bayad sa tubig, bayad sa upa sa bahay, bayad sa kuryente at iba pang pangangailangan ng tao. Kapag maliit ang sahod, konti lamang ang mabibili ng isang trabahador. Subalit makakabili naman siya ng pagkarami-raming bagay kung siya naman ay kumikita nang malaking halaga. Dito natin makikita na ang pera at ang tao ay may ugnayan sa bawat isa na para bang ang pera ay ang nagsisilbing buhay ng tao. Hindi mabubuhay ang tao kung walang pera dahil wala siyang mabibili kung wala siyang pera. Subalit sa ugnayang ito ng pera at tao, lumalabas ang mga positibong pag-uugali at ang mga negatibong ugali ng tao.
Ang Masamang Epekto ng Pera
Ayon kay Timbreza, maraming masasamang pag-uugali ang Pilipino. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: mapanlamang, madaya, pagtitimbang, panghihiram, mabongga, at mansusuhol. Isa-isahin natin ang mga ito upang mapalabas natin ang kasamaang dulot ng pera sa tao.
Mapanlamang. Nagiging mapanlamang ang isang tao dahil sa ayaw nito magpatalo. Hindi hahayaan ng isang tao na may mas nakatataas ng estado ng buhay sa kanya. Nais nito na siya ang pinakamayaman sa lahat dahil gusto niya, siya lang ang may karapatang makabili ng lahat ng bagay dito sa mundo.
Madaya at pagtitimbang. Sa sobrang hirap ng buhay ngayon, nakukuha nang mandaya ng mga tao. Tulad sa palengke, marami ang nandaraya sa kanilang pagtitinda. Ang mga tindera ng mga isda ay dinadaya ang ilaw upang magmukhang sariwa ang mga mata ng isda o kung hindi naman ay pinupuno ang isda ng tubig upang makita itong malaki tulad ng pating, kaya kapag niluto ay mistulang dilis na lamang. Tulad sa mga nagmamaneho ng taksi, kahit ang kanilang metro ay nagagawa ng dayain. Isang lubak lang o isang pitik lang, patak na nang patak ang metro. At tulad din sa mga nagtitinda ng baboy, minamanipula ang timbangan upang marami silang mabenta at konti ang makuha ng mamimili. Ang lahat ng ito ay nagagawa para lamang kumita ng malaking halaga ng pera. 
Panghihiram. Uso ngayon ang pangungutang. Dahil sa hirap ng buhay, nagagawa nang mangutang ng mga tao. Uutang ito sa kaniyang kaibigan, kamag-anak o kung hindi ay sa five six. Mabuti kung mabait ang nagpahiram na hahayaang bigyan ng panahon ang taong nangutang upang makapagbayad ito. Ang problema lang naman dito ay kadalasan, sinasadya ng taong nangutang na hindi na bayaran ang kanyang pagkakautang, o sa kabilang dako, kung bibigyan ng taong nagpautang ang taong nangutang ng napakalaking interes. Tiyak mas lalong mababaon sa utang ang taon nangutang kaya napipilitan na lang ito na magtago upang huwag nang masingil.
Mabongga. Sa hirap ng buhay ngayon, nakukuha pa ng Pilipino na bumili ng pagkamahal-mahal na mga pagkain o mga damit. Kung minsan naman ay gagawin ang lahat para lang makapaghanda ng pagkabongga sa araw ng pista, kaarawan o kaya naman ay mahahalagang pangyayari.
At manunuhol. Gamitin natin ang paglalabag sa batas trapiko. Maraming tao ang hindi talaga marunong magmaneho o marunong nga pero hindi naman maingat. Kaya ang kinalabasan ay nakakalabag ito ng batas trapiko. Dahil sa ayaw matiketan o makunan ng lisensya, lalagyan na lang ng paipit o panuhol na istilo upang hindi ito mahuli at nang mapawalang-sala na lang ng lubusan. Dahil din sa hirap ng buhay, may mga tao na tumatanggap ng suhol para lang magkaron ng pera kahit ang kapalit nito ay ang kapakanan ng ibang tao. Sa halip na matuto ang taong nagkasala, hindi ito maisasakatuparan dahil lang sa sobrang pangangailangan ng pera.
Nakakalungkot mang isipin, pero ito ang katotohanan. Maraming tao sa panahon ngayon na ipinagpapalit ang kapakanan ng lahat para lang sa pansariling kapakanan. Kahit makalabag ng batas, basta para sa pera ay magagawa ito. Kaya nagkakaroon ngayon ng napakaraming krimen tulad ng kidnap, hold-up, pagnanakaw at panghohostage. Ang mga krimeng ito ay may nakapakalaking kaugnayan sa pera. May mga taong kumikidnap at nanghohostage para ipatubos ito sa pamilya nito kapalit ang napakalaking halaga ng pera. May mga taong nanghohold-up at nagnanakaw upang makuha ang mga pera o mga gamit ng taong pinagnakawan. May mga tao ring pinapagamit ang sariling laman para lang kumita ng pera.
Ang masaklap dito ay lumalabas na katumbas na lamang ng isang bagay ang isang tao. Dahil dito, bumababa ang dignidad ng tao. Bumababa ang tingin natin sa ating sarili at dahil sa pagbaba natin sa ating sarili, nakukuha nating manisi pa ng iba dahil sa sobrang pagkalito. Nakukuha nating isisi sa mga taong nakaupo sa itaas na bahagi ng tatsulok ang ating pagkababa. Pero bakit hindi natin kayang sisihin ang ating mga sarili sa ating kinalalagyan ngayon?
Sino ba talaga ang lubos na may kasalanan, ang mga taong nasa itaas o ang mga taong nasa ibaba? Pareho lang may pagkakamali. Ito ang katotohanan. Ito ang hindi katanggap-tanggap na katotohanan. Maaaring ito’y hindi matanggap ng mga nasa itaas at ng mga nasa ibaba. Ano nga ba ng pagkakamali? Ang mga taong nasa itaas ay nagkaroon ng pagkukulang dahil sa pagpatong ng napakalaking halaga sa mga nasa ibaba kaya ang mga ito ay nahihirapang umakyat dahil sa bigat na kanilang pinapasan. Sa sobrang bigat ay hindi na makayanan ng mga tao ang makabayad para sa iba’t ibang mga pangangailangan kaya nakukuha na lang nito na gumawa ng krimen o maging makasarili na lamang. Hindi ko sinasabing ang may pagkukulang ay ang mga nasa taas ngayon, kungdi ang mga taong nasa taas din noon. Maaaring kung noon pa ay nagawan na agad ng paraan ang problemang ito, maaaring kaunti na lang ay makakaangat na hindi lang ang mga nasa taas o mga nasa ibaba, kungdi ang buong Pilipinas. 
Aking nabanggit din na ang mga taong nasa ibaba ay mayroong pagkukulang. Ito ay isa ring katotohan na napakahirap tanggapin. Madalas nating sinisisi ang mga nasa itaas pero hindi natin nakikita ang katotohanang wala tayong ginagawa. Ang mga lider natin ay ang mga tagapangasiwa lamang. Sila ang maglalagay sa order ng mga bagay-bagay. Hindi naman pwedeng sila lang ang gumalaw. Nararapat din na tayo rin ay gumalaw. Ang problema sa atin ay sa halip na nakikipag-ugnayan tayo sa mga lider na tayo mismo ang naglagak sa itaas, puno pa tayo ng reklamo. Paano natin masosolusyonan ang mga problema kung ang makakaharap agad ng mga ito ay problema? Kapag magsama ang parehong negatibo, mas lalakas ang puwersa nito. Kaya hindi tayo makausad dahil sa unang hakbang pa lamang, lumagapak na tayo sa lupa. Ang kailangan natin ay makinig na muna at makipagtulungan sa mga nasa taas. Walang silbi ang mga plano kung hindi ito naisasaaksyon. Ang dapat lang ay alamin ang plano, pag-aralan ang plano, unawain ang plano at isakatuparan ang plano nang sa gayon ay magkaroon ng epektibong pamamahala sa ating bansa. Kaya, sino nga baa ng may pagkukulang, ang nasa itaas o ang nasa ibaba? Ang sagot, huwag nang manisi pa ng iba kungdi ay magtulungan na lamang.
Hindi naman masama ang magkaroon ng pera. Marami man o kaunti lang o katamtamang dami lamang. “Hindi naman masama ang pag-unlad” sabi nga ng kanta ng Asin. Subalit huwag nating hayaang gamitin tayo ng pera. Dapat tayo ang gumamit ng pera. Pero saan at kelan nga ba natin gamitin ang pera? Ang lahat ng bagay ay nagagamit sa tamang lugar at tamang panahon. Katulad ng ibang mga bagay, gamitin din natin ang pera sa tamang lugar at tamang panahon. Sa panahon ng pangangailangan at sa lugar kung saan kailangan ang pera. Paano ba gamitin ang pera? Gamitin ito sa tamang paraan. Paano ito magagamit sa tamang paraan?
Ang pera ay nakukuha tuwing nagsasahod ang isang trabahador. Ang trabahador ay nakakatanggap ng maganda sahod kapag siya ay may magandang hangarin sa kanyang paggawa o sa kanyang pagtatrabaho. Makakagawa siya o makakapagtrabaho nang maayos kapag siya ay may tinapos na kurso o kung hindi naman ay siya ay nakapagtapos ng Masteral o Doctorate. Ang isang taong may magandang sahod at trabaho na nakapagtapos ng mataas na kurso ay siguradong nag-aral nang mabuti sa panahon na siya ay isang mag-aaral pa lamang. Hindi naman ito ipinagpipilitan sa lahat ng kabataan ngunit ito ay isang gabay lamang upang tayong lahat ay mamulat sa ganda ng epekto ng edukasyon. Alam natin na mahirap ito pero huwag tayong sumuko. Kahit ang mga pagkahirap-hirap na problema ay may solusyon din. Maging ang kahirapan ng pag-aaral ay may solusyon din. Isapuso natin ang ating pag-aaral dahil ito ang makatutulong sa atin upang makamit natin ang ating pangarap, at ang ating pagtatapos sa pag-aaral at ang ating tagumpay ang magsisilbing regalo at pasasalamat sa ating mga magulang sa kanilang paghihirap sa pagtatrabaho upang tayo ay magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ngunit, ang edukasyon ngayon ay kadalasang para sa mayayaman at sa may-kaya lamang. Paano naman ang mga taong pinagkaitan ng yaman? Maaaring doblehin natin ang ating pagsisikap. Huwag sumuko dahil ito ang magiging sagabal upang tayo ay umangat ng estado ng buhay at makamit ang ating mga pangarap.
Hindi naman masama ang magkaroon ng pera. Hindi masama ang magkaroon ng limpak-limpak na salapi. Hindi masama ang magkaroon ng maraming bahay basta ang salaping ito ay galing sa malinis na pamumuhay. Malinis sa paraan na walang ibang tao ang negatibong naapektuhan.
Huwag natin hayaang umikot ang ating mundo sa pera dahil ito ang magiging sanhi ng gulo, ng away, ng gyera o ng masamang pangyayari. Hangga’t sa maaari ay huwag natin hayaang tayo ay maging materyalikstikong mga tao dahil hindi lang dahil sa material na bagay tayo ay nabubuhay. Sa panahong ito, nagsilipana na ang mga taong mahihilig sa karangyaan. Panatilihin nawa natin ang pagiging simple nating mga Pilipino at ang ugaling bayanihan dahil hindi lang tayo ang nabubuhay at hindi lang tayo ang nangangailangan ng pera. Matuto tayong maging disiplinado at maging mapagbigay dahil ang pera ay bagay lamang, importante ito, ngunit mas importante tayo – ikaw, ako at sila.

Mga Sanggunian:
http://en.wikipedia.org/wiki/Money
Grolier Encyclopedia of Knowledge Volume 13

No comments:

Post a Comment