Tuesday, October 9, 2012

Sino Ako?


Ang Loob bilang Yungib ng Kaisipang Pilipino:
Historikal na Pananalinghaga ni Emmanuel Lacaba

Sino ako? Sino nga ba ako? Kilala ko nga ba ang sarili ko? Marami ang nagtatanong kung sino ako. Paano ko sila masasagot kung kahit ako ay hindi masagot ang mga tanong na ito? Asan nga ba ang sarili ko, ang isip ko at ang loob ko? Nasa labas ba ang loob ko o nasa loob ang loob ko? Ang mga tanong na ito ay kadalasang nababanggit ng bawat isa kapag sinusubukan nating kilalanin ang ating sarili. Ngunit mayroong problema; kaya natin kilalanin ang ating sarili at mayroon sa atin na isang bagay na nagpapalakas sa atin upang makilala natin ang ating sarili, subalit paano?
Ang layunin ng papel na ito ay (1) ipakilala sa atin kung sino si Emmanuel Lacaba, (2) alamin kung ano ang loob para kay Lacaba, at (3) alamin kung paano matatagpuan ang loob gamit ang panglapit na ginamit ni Lacaba. Gamit ang mga layuning ito, hihimay-himayin natin ang historikal na pananalinhaga ni Emmanuel Lacaba.
Bago tayo magsimula, alamin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng mga mahahalagang salita na matatagpuan sa titulong “Ang loob bilang yungib ng kaisipang Pilipino: Historikal na Pananalinhaga ni Emmanuel Lacaba”. Ang salitang “loob” ay nangangahulugan ng isang bagay na mahirap hanapin sa panlabas na aspeto dahil sa taglay nitong pagtatago. Ito ay maaaring nakatago nang pagkalalim o pagkababaw. Ang salitang “Yungib” ay nangangahulugan din ng lagusan. Isang lagusan kung saan ang isang bagay ay makakapasok sa loob o makakalabas patungo sa liwanag. Ang mga salitang “Kaisipang Pilipino” ay nagpapahayag ng isang malalim na katangian ng mga Pilipino, at  maaari ring maging simula ng mga wika, kilos at ugali ng mga Pilipino. Ang “Historikal na Pananalinhaga” naman ay ginamit upang ipaliwanag ang “Ang Loob bilang Yungib ng Kaisipang Pilipino” sa konteksto ng nakaraan kung saan sinusubukan nating alamin mula sa nakaraan ang mga bagay o mga dahilan kung bakit ganito tayo ngayon; kung bakit ganito magsalita, gumalaw at mag-asta ang mga Pilipino sa paraang matalinhaga. Ang paksang ito ay binigyang diin at halaga ni Emmanuel Lacaba. Si Emmanuel Lacaba ay nagtapos sa Unibersidad ng Ateneo de Manila. Siya ay pinanganak sa ikasampo ng Disyembre sa taong 1948 at namatay sa ikalabinwalo ng Marso sa taong 1976. Siya ay namatay sa edad na dalawampu’t pito sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao del Norte. Isa siyang kompositor ng kanta, manunulat ng mga haka-haka, manunulat ng mga scipt, manunulat ng mga tula, at manunulat ng mga sanaysay at isa rin siyang aktibista. Marami ang nagsasabi na siya ay isang poet warrior at pinarangalan ng CCP.
Pakatapos malaman ang mahahalagang bagay, lumalim na tayo sa mas mahahalagang bagay. Ayon kay Lacaba, mayroong dalawang kalikasan ng konseptong loob. Una, ang pangkasaysayang realidad ng pagkakasakop sa Pilipinas, at ikalawa ay ang loob bilang diyalektikong proseso o lohikang diyalektiko ng pagpapakatao.

Ang Pangkasaysayang Realidad ng Pagkakasakop sa Pilipinas. 
Kung maaalala natin, ang Pilipinas ay sinakop ng mga Kastila sa loob ng tatlong daan tatlumpo’t talong taon, ng mga Amerikano sa loob ng apatnapung limang taon, at mga Hapon sa loob ng tatlong taon. Sa pagkakasakop na ito, halos nawala ang tunay na pagkaPilipino ng mga Pilipino. Bakit? Dahil sa halip na naka-usli ang pagka-Pilipino, bumaba ito nang bumaba at lumalim nang lumalim hanggang sa hindi na ito makita. Ito ang epekto ng pagkakasakop ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas. Ipinilit nilang ipatong sa ating pagka-Pilipino ang kanilang pagka-Kastila, pagka-Amerikano, at pagka-Hapon. Sa pagkarami-rami ng mga ipinatong na mga kahoy ng kultura ng mga bansang sumakop ay napakahirap nang iahon.
Idinaan ito sa analohiya gamit ang tulang Florante at Laura, at ang napakamalakas na taong si Bernardo Carpio. Si Florante ay isang prinsipeng nakagapos sa puno sa simula ng tula. Natural sa nakagapos ang gumawa ng paraan upang makatakas sa pagkakagapos na ito. Si Bernardo Carpio naman ay pinangalanang Bernardo Carpio dahil sa pakiusap ng isang paring Kastila na nakita kay Bernardo ang mga katangian ng isang Kastilang bayani na si Bernardo del Carpio. Ang kanyang kwento ay isang mito kung saan siya ay ipinahayag na malahigante ang dating na halos kasing-lakas ni Herkules. Sa kwento ay sinabing dinukot ng mga Shaman at iginapos sa pagitan ng dalawang bundok sa may Marikina kaya kapag siya ay nagpaplanong tumakas ay hindi niya magawa dahil yayanig ang buong lupa at guguho ang mga bundok na maaaring ikapahamak ng mga taong naninirihan malapit dito. Gamit sa mga kwentong ito, ipinakita na walang kalayaan ang nakagapos tulad ng ginawa sa atin nga mga mananakop. Kaya dahil sa pagkakasakop sa atin, sa pagkakaagaw sa atin ng sarili nating lupa, nawala rin sa ating ang ating loob. Kaya kung tatanungin natin ang ating sarili “sino nga ba talaga ako?”, wala tayong maisasagot dahil sa pagkarami-rami ng mga sumakop natin, hindi na nating alam kung ano tayo, kung tayo pa ba ay mga Pilipino, o kung tayo ba ay sangtatlong Kastila, sangtatlong Amerikano at sangtatlong Hapon. 
May dalawang posibilidad dito, maaaring hindi na natin malalaman kung ano talaga tayo o maaaring malaman pa rin natin kung sino tayo. Posibleng mangyari ang ikalawa ngunit kakailanganin ng pagkahaba-habang proseso at pagkahirap-hirap na metodo upang makamit ang minimithing malaman ang tunay na sarili.
Kaya, nasabing ang loob ay isang yungib dahil ang yungib ay ang pasukan o labasan sa isang kweba, ang pagkaloob-looban. Sa pamamagitan ng yungib, maaaring makapasok tayo sa ating kweba at lalabas tayo mula sa ating kweba, bitbit ang laman nito patungo sa liwanag ng ating pagkaPilipino at pagkatao.

Ang loob bilang diyalektikong proseso o lohikang diyalektiko ng pagpapakatao. 
Ang prosesong ito ay nagmula kay Georg Wilhelm Friedrich Hegel, at naglalaman ito nga tatlong bahagi: ang thesis at antithesis, at ang nagdudugtong sa dalawang ito ay ang synthesis. Sa diyalektikong proseso, kinakailangan ng isang bagay at idudugtong ito sa oposisyon nito, at ang pagdudugtong na ito ay ang maghahatid mula sa bagay na iyon patungo sa oposisyon nito. Halimbawa, may isang buhay na kandila, ito ay ang tinatawag na thesis. Ang oposisyon nito o antithesis ay ang patay na kandila o kandilang walang sindi. Ang synthesis nito ay ang pagdadaloy ng buhay na kandila patungo sa patay na kandila.
Sa konteksto ni Lacaba, ginamitan niya ng diyalektikong proseso ang loob upang maghantong ito sa pagpapakatao. Nagsimula ito sa hindi sarili kung saan ang sarili ay nakakulong, nakagapos at hindi malaya; ito ay ang antithesis. Ang minimithing sarili ay ang totoong sarili, kung saan ang sarili ay malayang malaya na mula sa pagkakagapos at pagkakakulong; ito naman ang tinatawag na thesis. At ang synthesis sa dalawang ito ay ang Aufhebung, isang wikang Aleman na ang ibig sabihin ay alisin at itaas. Sa madaling sabi, kinakailangan ng Aufhebung upang maaalis ang hindi sarili at upang lumutang na sa wakas ang totoong sarili.

Paano maging totoo? 
Naghanda ako ng mga proseso upang mapalutang ang totoong sarili. Ang mga ito ay (1) kilalanin ang sarili, (2) tanggapin ang sarili, (3) baguhin at ayusin ang sarili para sa ikabubuti, at (4) mamuhay nang maganda at payapa.
Una, kailangan natin kilalanin ang ating sarili. Ito ang unang-unang dapat gawin upang masimulan ang proseso ng pagpapakatotoo. Kung wala ito, mahihirapan tayo sa mga susunod na proseso. Kailangan ngayon ng mga tao ang mag-isip; hindi tungkol sa pag-aaral nila o trabaho, kundi tungkol sa sarili. Kailangang alamin natin kung sino ba talaga tayo.
Ilang maaaring maging katanungan sa ating paghahanap ng ating sarili ay ang mga sumusunod:
1. Anu-ano ang mga gusto ko?
2. Anu-ano ang mga ayaw ko?
3. Anu-ano ang mga maaaring makasakit sa akin?
4. Anu-ano ang mga maaaring makapagpasaya sa akin?
Sa pamamagitan ng mga nasabing tanong, maaaring makarating tayo sa iba-iba pang mga tanong na makakadala sa atin sa totoong tayo.
Ikalawa, pakatapos natin makilala ang ating sarili, napapanahon nang tanggapin ang ating mga sarili. Kung maayos na ang sarili, huwag lang ito gawing ito, kailangang palawakin at palakasin pa natin ito. Kung hindi pa natin tanggap ang lahat-lahat sa atin, baguhin natin ang ating sarili. Ito na ang ikatlo sa proseso, ang pagbabago. May dalawang uri ng pagbabago: pagbabago tungo sa masama at pagbabago para sa ikabubuti. Kung tayo ang papipiliin, alam kong lahat ay pipiliin ang ikabubuti. Ito ang nararapat, magbago na tayo para sa ikabubuti. Kapag nagawa na natin ang unang tatlo, makakamit na natin ang huli, ang pamumuhay nang payapa at maganda.
Kaya, para sa ating mga Pilipino at sa lahat ng tao sa mundo, napapanahon na upang tayo ay magpakatotoo upang lumabas na ang tunay na Pilipino at nang umunlad na ang ating bayan.

No comments:

Post a Comment